NAGA CITY-Patay ang isang lalaki matapos na sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa isang nakaparadang truck sa Libmanan, Camarines Sur.

Kinilala ang driver na si Frederick Roy Kevin Chica, 29-anyos, residente ng Brgy. Concepcion sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSgt. Emyrose Organis, tagapagsalita ng Libmanan Municipal Police Station, sinabi nito na galing sa isang fiestahan ang biktima bago mangyari ang insidente at pinaniniwalaang nasa impluwensiya ng alak.

Ayon pa kay Organis, maliwanag at malawak ang lugar na pinangyarihan ng naturang aksidente idagdag pang hindi naman maituturing na accident prone area ang nasabing lugar.

Samantala, sinubukan pa naman umanong dalhin sa ospital ang biktima ngunit ideneklara rin itong dead on arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad higgil sa nasabing insidente.