NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos magtamo ng 16 na tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang parte ng kaniyang katawan sa barangay Salvacion, Bato, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Enrico Reyes, 38-anyos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Lt. Alex Matienzo, Officer-In-Charge ng Bato PNP, napag-alaman na pumasok sa mismong bahay ng biktima ang apat na suspek at dito na pinagbabaril ang naturang biktima na naging resulta ng kaniyang agarang kamatayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na isang cal. 9MM na uri ng baril ang ginamit ng mga suspek.

Aniya, nagtamo ng tama ng bala ng baril sa bandang ulo, hita, kamay at likod ang biktima.

Samantala, narekober sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng bala ng baril at dalawang slug ng caliber 9MM.

Sa ngayon, patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad at ang pag-alam sa pagkakakilanlan ng mga suspek na agad tumakas gamit ang isang L300 van papunta sa direksiyon ng Libon, Albay matapos ang naturang krimen.