NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa Barangay Pinamasagan, San Fernando, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Alex Nava Vergara, 48-anyos residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt Francis Fidel Agnas, Deputy Chief of Police ng San Fernando Municipal Police Station (MPS), sinabi nito na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa nasabing insidente kung kaya agad naman na nagresponde ang mga awtoridad.
Ayon kay Agnas, habang naglalakad ang biktima pauwi sa kaniyang bahay nang bigla na lamang umano itong pinagbabaril ng hindi pa nakikilang suspek.
Dahil dito, nagtamo ng seryosong tama sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang nasabing biktima na nagresulta naman ng agarang pagkamnatay nito.
Kaugnay nito, sa inisyak na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na dati na itong naharap sa kasong pagpatay noong nakalipas na mga taon ngunit kalaunan ay na-areglo ng biktima ang nasabing kaso.
Kung kaya, ayon kay Agnas, posibleng gumanti ang suspek dahil sa nangyari at isa rin sa tinitingnang motibo sa krimen.
Dagdag pa nito, posibleng pinagplanuhan ang pagpatay sa biktima dahil nagkataong binaril ito sa hindi mataong lugar.
Samantala, narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang apat na basyo ng bala para sa Caliber 45 na baril na ginamit ng suspek sa krimen.
Sa ngayon patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad gayundin ang pagtunton sa suspek na agad nakatakas matapos ang naturang insidente.