NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa Lucena City.
Kinilala ang biktima na si Michael Joshua Timajo, 20-anyos, residente ng Purok Tanglaw, Barera, Brgy. 8, sa naturang lungsod.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nasa loob ng kanilang bahay ang biktima at inaayos ang kanya umanong ear pods ng bigla na lamang pumasok ang mga suspek na kinilalang si alyas Bin Laden, residente ng Brgy. 8,Lucena City; alyas Soy, 33-anyos, residente ng Brgy. Ibabang Iyam sa nasabing lungsod; alyas Palo at bigla na lamang pinagbabaril ang biktima na naging dahilan ng kanyang agarang kamatayan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na matapos ang insidente kaagad na tumakas ang mga suspek.
Kaugnay nito, kaagad na nagkasa ng follow up operation ang mga otoridad kung saan naaresto si alyas Soya.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang hot pursuit operation ng mga kapulisan sa kinaroroonan ng dalawa pang suspek.