NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos na pagbabaralin sa Sitio Sapang Santol, Barangay San Isidro, Tiaong Quezon.

Kinilala ang biktima na si Teodoro Perez Paña, 59-anyos, residente ng Sitio Ibaba, Barangay Balat Atis, San Antonio sa nasabing lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakatanggap ng tawag ang Tiaong Municipal Police Station (MPS) mula sa isang concerned citizen hinggil nasabing insidente.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na habang sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima nang bigla na lamang na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek.

Dahil dito, nagtamo ng mga tama ng baril ang biktima sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan dahilan ng agad na kamatayan nito.

Samantala, agad naman na tumakas sa hindi malaman na direksyon ang suspek matapos ang nasabing krimen.

Narekober ng mga otoridad sa pinangyarihan ng insidente ang 13 fired cartridge cases ng caliber 40 na baril, anim na fired cartridge cases ng 45 caliber pistol, tatlong fired bullet (slugs) mula sa hindi pa malaman na kalibre ng baril.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa posibleng pagkakakilalan at pagkakaaresto ng suspek.