NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa Brgy. San Isidro, Candelaria, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Jeffrey Llanes, 33-anyos, residente ng Sitio Dapdapan, Brgy. San Isidro, sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nasa loob ng isang shanty house na pagmamay-ari ng isang Anicia ang biktima ng bigla na lamang dumating ang suspek na armado ng baril at bigla na lamang pinagbabaril si Llanes.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na dahil sa naturang insidente, nagtamo ng tama ng bala ng baril ang biktima sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Samantala, agad namang tumakas ang suspek maatapos ang naturang krimen.

Kaugnay nito, narekober pa sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang fired cartridge cases at isang slug ng caliber .9mm na baril.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad gayundin ang pagtunton sa posibleng pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek.