NAGA CITY – Dead-on-the-spot ang isang binata matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Patalunan, Ragay, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Jordan Abad, 24-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang natutulog ang biktima sa duyan nang bigla nalang itong dukutin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa hindi malamang dahilan.

Ayon sa testimonya ng kapatid ni Jordan na si Jodelyn Abad, nakarinig umano ang mga ito ng dalawang putok ng baril kung kaya agad itong humingi ng tulong sa mga kapamilya.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na nakita nalang ang katawan ng biktima na wala ng buhay at may tama ng bala ng baril.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa posibleng pagkakakilanlan ng dalawang salarin gayundin ang pagtunton sa kinaroroonan ng mga ito.