NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos pagpupukpukin sa ulo sa Barangay Libod, Tigaon, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Jerry Clariño, 54-anyos, residente sa nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt Roly Nebran, Deputy Chief of Police ng Tigaon Municipal Police Station, sinabi nito na unang lumapit sa biktima ang suspek na kinilalang si Edmar Panuelos, 28-anyos upang tanungin si Clariño hinggil sa pagkamatay ng ama nito 17-taon na ang nakakalipas.
Aniya, dito na nagkaroon ng mainit na diskusyon ang biktima at suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na agad na nakakuha ng kahoy ang suspek at pinukpok ito sa ulo ng biktima na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Ayon kay Nebran, tinitingnan na paghihiganti ang tanging motibo sa krimen ng suspek.
Kaugnay nito, matapos ang insidente, boluntaryo namang sumuko sa mga awtoridad ang suspek at ihinayag ang tunay na pangyayari.
Samantala, lininaw naman ni Nebran na matagal nang nagsilbi ng sentinsiya sa kulungan ang biktima kaugnay sa pagkamatay ng ama ng suspek.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek habang hinahanda naman ang kasong posibleng isampa laban dito.