NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos na pagsasaksakin sa bayan ng Milaor, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Raymond Polangie, 35-anyos, residente ng Barangay Alyansa San Fernando Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPL Dellary Sanchez, OIC ng Milaor Municipal Police Station, napag-alaman na naghatid lamang umano ng cake ang biktima sa bahay ng girlfriend nito na kapatid ng suspek na kinilalang si Ronald Siruma Antonio, 27-anyos, residente ng Zone 1 Barangay Lipot sa nasabing bayan dahil kaarawan umano ng anak nito.

Ngunit paglabas umano ng biktima sa bahay ng kasintahan nito, dito na inabangan at pinagsasaksak ng suspek ang biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na nagtamo ng dalawang tama ng saksak sa dibdib ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Samantala, isa sa mga anggulong tinitingnan ng mga otoridad ang pagkaka disgusto ng suspek sa biktima bilang boyfriend ng kapatid nito ngunit hindi naman umano inaalis ng mga ito ang posibilidad na may iba pang motibo ang suspek sa nasabing krimen.

Sa ngayon, patuloy pa rin na pinaghahanap ng mga otoridad ang nasabing suspek matapos na tumakas habang inihahanda na rin ang kasong isasampa laban dito.