NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ang sarili sa lungsod ng Naga.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Naga City Police Office, nabatid na una ng nagtanong ng presyo ng karne ang hindi pa nakikilalang lalaki sa butcher na si John Enciso, kung saan kasalukayan itong nagbabantay sa kanyang negosyong karnehan sa Balatas Road, Balatas, Naga City.

Ngunit, bigla na lamang na kinuha ng walang paalam at itinakbo ng lalaki ang kutsilyo ni Enciso patungo sa Bulusan Street, Barangay Dayangdang sa nasabing lungsod.

Dahil dito, hinabol ni Enciso ang lalaki upang bawiin ang patalim subalit nakita na lamang nito sinaksak na ng lalaki ang kanyang sarili hanggang sa matumba ito sa kalsada at naliligo na sa sariling dugo.

Agad namang tumawag ng tulong ang mga nakasaksi sa nasabing insidete upang malapatan ng paunang lunas ang sugat ng biktima ngunit ideniklara rin itong dead on arrival ng mga doktor.

Ayon naman sa mga doktor, binawian ng buhay ang biktima dahil sa mutiple stab wounds na tinamo nito at dahil na rin sa pagkawala ng dugo sa katawan ng nasabing lalaki.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagwang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.