NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang isang lalaki sa lungsod ng Naga.

Kinilala ang biktima na si Roberto Paghunasan, 47-anyos, residente ng Brgy. Emmanuel II, Dasmariñas, Cavite.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Naga City Police Office (NCPO), sinabi ng isang Jayr Banzuela na nagtaka umano ito nang makita ang biktima na nakahiga pa rin ito sa folding bed.

Aniya, madalas kasing mas nauuna si Paghunasan na bumangon kaysa sa kaniya kaya agad nitong tiningnan ang kalagayan ng biktima.

Ngunit dito na natuklasan ni Banzuela na hindi na ito humihinga at malamig na rin ang mga kamay nito.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na huling nakitang buhay ang biktima kaninang dakong alas-3 ng madaling araw.

Dagdag pa dito, dalawang araw bago pa ang nasabing insidente, dinala na ang biktima ng kaniyang bayaw sa ospital dahil sa pagkahilo, pamumutla at dahil na rin hindi ito nakapaglakad.

Samantala, wala naman umanong nakaaway o nakaalitan ang biktima.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.