NAGA CITY- Patay na ng matagpuan ang isang lalaki sa Sitio Banban, Brgy. Tula-tula, Sipocot, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Manuel Buenaobra, 49-anyos, residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSgt. Antonette Abuel, imbestigador ng Sipocot Municipal Police Station, sinabi nito na nakita na lamang ng kapatid ng biktima na si Gilbert Mojares si Manuel na nakabitay sa loob ng kanyang kwarto gamit ang lubid.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na hindi ito ang unang beses na nagtangka ang biktima na magpatiwakal.
Dagdag pa ni Abuel, pinaniniwalaan na nakakaranas nang depresyon si Buenaobra kung saan ito ang nag udyok para kitilin nito ang sariling buhay.
Ayon pa sa imbestigador, nagsimula na makaranas ng depresyon ang biktima ng mamatay ang ama nito.
Samantala, sinubukan pa umanong dalahin sa ospital ang nasabing biktima ngunit idineklara rin itong dead on arrival ng mga doktor.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.