Photo© web

NAGA CITY – Bangkay na nang matagpuan sa may irigasyon malapit sa palayan ang isang lalaki sa Nabua, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na isang tatlumput pitong taong gulang, binata at residente ng Barangay Antipolo, Tinambac, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Corporal Jonard Bufete, ang PIO ng Nabua Municipal Police Station, nitong Abril 7, dalawang opisyal ng barangay ang nagtungo sa kanilang himpilan at nag-ulat na may natagpuang patay sa kanilang barangay malapit sa irrigation canal sa gilid ng palayan.

Ang nasabing lugar ay nasa Zone 4, Barangay San Jose Pangaraon, Nabua.

Advertisement

Dagdag pa ni Bufete, ayon sa imbestigasyon, tinatayang nangyari ang insidente alas-10 ng gabi noong Abril 6, 2025.

Ayon naman sa kapatid ng biktima, noong gabi ng Abril 6, nag-inuman sila ng biktima at kinaumagahan ay nakita niyang puno ng dugo ang higaan ng biktima at mayroong nagsabi sa kanya na ang katawan ng kanyang kapatid ay nasa irigasyon na at wala ng buhay.

Sa kasalukuyan, may natukoy na ring person of interest ang Nabua MPS at iimbestigahan din nila ito.

Giit ni Bufete, hindi nila isinasantabi na may foul play sa insidente dahil kung titignan ang katawan ng biktima ay punong-puno ito ng mga saksak ng patalim kung saan base sa bilang ng mga imbestigador ay tinamaan ng 15 saksak ang biktima.

Samantala, nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya ng nasabing bayan upang malaman ang totoong pangyayari at ang dahilan ng pagkamatay ng biktima.

Nagpasalamat naman si Bufete sa patuloy na suporta ng mga residente sa lugar at umapela sa mga may impormasyon hinggil sa insidente na huwag mag-atubiling pumunta sa kanilang himpilan at agad na i-report sa kanila upang mabilis na maresolba ang insidente.

Advertisement