NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos na mabundol ang kanyang minamanehong motorsiklo ng isa pang motorsiklo sa Cabusao, Camarines Sur.

Kinilala ang namatay na si Victor Jose Diaz, 32-anyos, residente ng Barangay Barcelonita sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), napag-alaman na habang nag-u-turn gamit ang kanyang motorsiklo si Delmar Arcon, 26-anyos habang angkas si Jessa May Bailey, 19-anyos, residente ng nasabing lugar, nang mabundol ng motorsiklo na minamaneho naman ni Diaz na nagresulta upang mawalan ito ng kontrol sa kanyang behikulo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nagtamo ng mga sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan si Diaz na agad naman na dinala sa ospital ngunit idineklara ng dead on arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.