NAGA CITY- Patay na nang matagpuan ang katawan ng hindi pa nakikilalang lalaki matapos pagbabarilin sa Lagonoy, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Romeo Ranara, hepe ng Lagonoy Municipal Police Station, sinabi nito na dakong alas-8:40 kagabi nang makatanggap ng report ang hepatura ng Lagonoy MPS hinggil sa nakitang katawan na wala ng buhay sa Zone 7, Brgy. Amoguis sa nasabing bayan.

Dagdag pa nito, bago ang pagkakadiskubre sa katawan ng biktima, dakong alas-7:30 kagabi nang makarinig umano ng putok ng baril ang mga residente sa lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa kaniyang ulo ang biktima na nagresulta ng kaniyang agarang kamatayan.

Ayon pa kay Ranara, narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang empty shell ng bala ng caliber 45 na baril.

Pinaniniwalaang dalawang katao ang sangkot sa pamamaril sa biktima.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad lalo na ang pagtunton sa pagkakakilanlan ng biktima gayundin ang motibo ng mga suspek sa naturang krimen.