NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos na pagbabarilin sa Tagkawayan, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Amable Estrañero, 40-anyos, residente ng Barangay Candalapdap sa nasabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na habang nakikipag-inuman ang biktima sa limang indibidwal, nang magkaroon ng mainit na argumento ang biktima sa suspek na kinilalang si Gerome Serdeña, 28-anyos, residente ng nasabing lugar.
Dahil dito, nagdesisyon na lamang si Estrañero na umuwi ngunit ng sasakay na sana ito sa kanyang motorsiklo, dito na ito pinagbabaril ng suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nagtamo ng mga sugat sai ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na agad naman na dinala sa ospital ngunit idineklara ring dead on arrival ng mga doktor.
Samantala, agad naman na tumakas ang suspek matapos ang insidente.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing krimen.