NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos masalpukan ang minanehong tricycle ng isang van sa Pamplona, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Ramil Medrano, residente ng Barangay Poblacion nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, nabtid na habang tinatahak ni Medrano ang North Bound direction galing Naga City gamit ang tricycle nang aksidenteng mabangga ng isang van na minamaneho naman ni Arnel Banatasa, 37-anyos.

Dahil sa lakas ng banggaan, tumilapon at nahulog sa motorsiklo si Medrano na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Kaagad naman na naaresto ang suspek at sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad para sa karampatang disposisyon.