NAGA CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos barilin ng kainuman sa Brgy. Camagong, Tinambac, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Aurelio Ros, 45-anyos, residente ng Concepcion Pequeña, Naga City.

Ayon kay PSSgt. Alberto Bernales, imbestigador ng Tinambac Municipal Police Station, habang nakikipag-inuman ang biktima sa suspek na si Allen Montalban, residente ng Brgy. Salvacion, Tinambac, sa naturang lalawigan, nang magkaroon ang mga ito ng mainit na argumento.

Dagdag pa ng opisyal, bigla na lamang umalis ang suspek at nang bumalik ito, dito na nito binaril ang biktima gamit ang isang improvised shotgun o sumpak.

Dahil dito, nagtamo ng sugat sa likod na bahagi ng kaniyang kaliwang balikat si Ros na agad namang dinala sa ospital para sa asistensya medikal.

Samantala, agad namang tumakas ang suspek matapos ang naturang insidente.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang pursuit operations ng mga otoridad para sa posibleng pagkakadakip sa tumakas na suspek.