NAGA CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos na pagtatagain sa Barangay Ibabang Iyam, Lucena City.

Kinilala ang biktima na si Michael Deseo Marcellana, 42 anyos, residente ng Barangay Lual Barrio, Mauban Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provicial Office, napag-alaman na nauwi sa mainit na diskusyon at suntukan ang pag-iinuman lamang sana nina Marcellana at ng suspek na kinilalang si Arnold Limpiada Basarte, 21 anyos, residente ng nasabing lugar.

Samantala, matapos umano ang insidente, kumuha ng isang bolo ang suspek at dito na pinagtataga si Marcellana.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nagtamo ng seryosong tama sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na agad namang dinala sa ospital para sa asistensya medikal.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad.