NAGA CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa Candelaria, Quezon.
Kinilala ang biktima na si John Eric Leyesa Din, 30-anyos, residente ng Brgy. Bukal, Tiaong, sa nasabing lalawigan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang sakay ng kaniyang motorsiklo ang biktima at binabaybay ang barangay road patungo sa Candelaria By-Pass road ng bigla na lamang sumulpot ang suspek at dito na pinagbabaril si Din.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na dahil sa insidente, nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na agad namang dinala sa ospital.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente lalo na ang pagtukoy sa posibleng pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga suspek na agad namang tumakas patungo sa hindi pa malamang direksyon.