NAGA CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos na pagtatagain sa Barangay Camagong, Cabusao, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Angelito Emberga, 32-anyos, residente sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCapt Dino Paulo Ramos, Chief of Police ng Cabusao Municipal Police Station, sinabi nito na habang nasa balkon si Emberga ng bigla na lamang umano itong sugurin ng suspek na kinilalang si Jose Anadilla, 43-anyos.

Ayon pa kay Ramos, dito na pinagtataga ng suspek si Emberga gamit ang dala nitong bolo.

Dahil dito, nagtamo ng tama sa kanyang kamay at dibdib ang bikitma na agad naman na dinala sa ospital para sa asistensya medikal.

Samantala, dagdag pa ni Ramos, dati nang nagkaroon ng alitan sa pagitan ng biktima at suspek.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek habang hinahanda naman ang kasong isasampa laban dito.