NAGA CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos na tagain sa Bombon, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Randy Villablanca, 33-anyos, residente ng Zone 2, Brgy. Sagrada, Minalabac sa nasabing lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang biktima at ang suspek na kinilalang si Ronnie Asoro, 52-anyos, residente naman ng Zone 6, Brgy. San Antonio, Bombon, Camarines Sur hinggil na bahay na pagmamay-ari ng suspek na tinitirahan ng pamilya ni Villablanca.

Ito’y dahil gusto na umano ni Asoro na paalisin sina Villablanca sa nasabing bahay ngunit nauwi ito sa mainit na diskusyon na naging dahilan upang tagain ng suspek ang biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nagtamo ng taga si Villablanca sa kaliwang ribs nito na agad namang dinala sa ospital.

Samantala, agad naman na tumakas ang suspek matapos ang nasabing insidente.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad lalo na ang pagtukoy sa posibleng kinaroroonan ng nasabing suspek.