NAGA CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng kainuman sa Brgy. Del Valle, San Antonio, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Michael Angelo Arejola, 28-anyos, residente ng Brgy. Callejon, sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nag-iinuman ang biktima at ang suspek na kinilalang si Vilmar Closa, 37-anyos, residente ng Brgy. Del Valle sa naturang bayan sa bahay ng isang Gerry Chavez nang magkaroon ng mainit na diskusyon sa pagitan ng mga ito.

Kalauna’y umalis ang suspek ngunit matapos ang halos limang minuto, muli itong bumalik na armado ng baril at pinagbabadil si Arejola.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na dahil sa insidente, nagtamo ng tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na agad namang dinala sa ospital para sa asistensya medikal.

Samantala, agad namang tumakas ang suspek sa hindi pa malamang direksyon dala ang ginamit na armas sa krimen.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad lalo na ang pagtukoy sa posibleng kinaroroonan ng naturang suspek.