NAGA CITY- Sugatan ang isang lalaki matapos pagsasaksakin sa Brgy. Polo Mauban, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Alyas Mark, residente ng Brgy Lual Barrio, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nag-iinuman ang mga suspek na sina Tyron, isang grade 9 student, residente ng Brgy. Santol; Kirby, grade 11 student, residente ng Brgy Bagong Bayan; Rodmar, grade 9 student, residente naman ng Barangay Bagong Bayan; Mark, isang grade 8 student, residente ng Brgy. Sadsaran, at si alyas Laynard, grade 9 student, residente ng Brgy. Polo sa nasabing bayan, ng bigla umanong dumating ang biktima na nasa ilalim ng impluwensiya ng alak.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na nagkaroon umano ng mainit na argumento ang mga suspek at biktima dahilan upang magkaroon ng rambulan at naging dahilan din upang pagsasaksakin ng mga suspek ang biktima.

Dahil sa pangyayari, nagtamo ng 3 saksak sa kanyang likuran ang biktima na kaagad namang dinala sa ospital para sa agarang lunas.
Samantala, narekober naman sa pinangyarihan ng insidente an isang kitchen knife.

Sa ngayon, pansamatalang nasa kustodiya ng mga otoridad ang mga suspek at i-tuturnover sa DSWD.