NAGA CITY- Sugatan ang isang 56-anyos na lalaki matapos pagsasaksakin sa Brgy. Calawat, Pamplona, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Renato Gonzales, residente ng naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Police Regional Office 5, napag-alaman na namagitan ang biktima sa away ng kaniyang bayaw at ng suspek ngunit sa hindi malamang dahilan, bigla na lamang umanong pinagsasaksak ng suspek ang biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang parte ng kaniyang katawan ang biktima na agad namang idinala sa Bicol Medical Center sa Naga City.

Samantala, agad namang tumakas ang suspek na kinilalang si Nelson Ceciliano, 38-anyos, residente ng naturang lugar, matapos ang insidente.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad at ang paghahanap sa naturang suspek hinggil sa insidente.