NAGA CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos pagsasaksakin sa Brgy. 2 Pob., Alabat, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Anthony Eboña, 32-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na habang nasa sa ilalim ng impluwensya ng alak ang biktima at ang suspek na kinilalang si Joydan Quincena, 38-anyos, nagkaroon ang mga ito ng mainit na argumento.

Dahil dito, pinagsasaksak na lamang ni Quincena si Eboña gamit ang susi ng motorsiklo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na dahil sa insidente, nagtamo ng sugat sa kaniyang katawan ang biktima na agad namang dinala sa ospital.

Samantala, agad namang sumuko sa mga otoridad ang suspek matapos ang insidente.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad si Quincena para sa karampatang disposiyon habang inihahanda na ang kasong isasampa laban dito.