NAGA CITY- Sugatang ang isang lalaki matapos saksakin ng sariling kapatid sa Brgy. Cawayan 2, San Francisco, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Allan Padolina Llarena, 31-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang nag-iinuman ang biktima at ang suspek na si alyas Alvin, 39-anyos, residente rin sa lugar kasama ang kanilang mga kapamilya nang magkaroong mainit na diskusyon sa pagitan ng biktima at suspek.

Agad naman itong naawat ng kanilang mga kapamilya.

Matapos ang insidente, umuwi ang biktima sa kanilang bahay ngunit kumuha ng bolo si Alvin at pumunta sa bahay ni Allan at dito na nito sinaksak ng dalawang beses ang biktima.

Dahil sa pangyayari, nagtamo ng sugat sa kanang parte ng kaniyang tiyan si Allan na agad naman dinala sa ospital para sa asistensya medikal habang kaagad rin tumakas ang suspek bitbit ang bolo na ginamit nito sa krimen.

Sa ngayon ay patuloy pang pinaghahanap ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.