NAGA CITY- Sugatan ang isang lalaki matapos na pagsasaksakin sa Villa Sol Subdivision vicinity of Brgy Masalukot 1, Candelaria Quezon.

Kinilala ang biktima na si Jetro Andaya Salas, 25 anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na kinompronta ni Salas ang mga suspek na sina Mark Joseph Bandol at Mark Jonas Bruel habang naglalakad sa loob ng subdivision papunta sa Casa Patricia.

Dito na nagkaroon ng mainit na pagtatalo an dalawang panig dahilan para bumunot ng isang matalim na bagay si Bandol at bigla na lamang inundayan ng saksak si Salas.

Ngunit, matapos ang insidente, mabilis na nakatakas ang mga suspek habang iniwan na lamang ang katawan ng biktima na nagtamo ng seryosong tama sa kaniyang dibdib.

Agad naman itong dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para matunton ang nakatakas na mga suspek para sa karampatang disposisyon.