NAGA CITY- Sugatan ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Tayabas, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Randy Fernandez Santiago, 32-anyos, residente ng Sitio Abaca Brgy. Ipilan sa nasabing lungsod.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang naglalakad si Santiago sa may niyugan ng isang Carmen Villanueva at nang pauwi na ito ng bigla nalang na pinagbabaril ng dalawang lalaki ang nasabing biktima.
Samantala, tumakas naman ang mga suspek matapos ang pamamaril kung saan nagawa pa ni Santiago na tumakbo sa bahay ng kanyang bayaw at humingi ito ng tulong.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na nagtamo ng mga sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na agad naman na dinala sa ospital para sa asistensya medikal.
Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad lalo na sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek na agad naman na tumakas matapos ang nasabing insidente.