NAGA CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos na pagbabarilin sa Tiaong, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Regalado An Liwanag, 55-anyos, residente ng Sitio Nanay Baste, Barangay San Juan sa nasabing bayan.

Sa nakalap impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na habang nakikipag-inuman ang biktima sa suspek na kinilalang si Fortunato Africano Manguiat, 73-anyos nang bigla na lamang ang mga itong nagkaroon ng mainit na pagtatalo.

Dahil dito, agad na kinuha ng suspek ang kanyang baril at pinaputukan si Liwanag.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na dahil sa insidente, nagtamo ng tama ng bala ng baril ang biktima na agad naman na dinala sa ospital.

Samantala, narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang isang calibre .38 baril na mayroong magazine na may laman ng limang live ammunition.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa kaukulang disposisyon.