NAGA CITY- Sugatan ang isang lalaki matapos pagtatagain sa leeg sa Sitio Duluhan Brgy. Manggalang 1 Sariaya Quezon.

Kinilala ang biktima na si Jonathan Camposano Cantos, 31 taong gulang, residente ng naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang pauwi na umano sa kaniyang bahay ang biktima galing sa inuman sakay ng motorsiklo ng tumigil ito para umihi.

Ngunit nakita ni Cantos ang suspek na kinilalang si Moises Delas Alas, 49 na taong gulang na may dala-dalang itak at sa di malamang dahilan, bigla na lamang siya nitong pinagtataga.

Kaugnay nito, nagtamo ng sugat sa leeg ang biktima na swerte namang nakahingi ng tulong sa kaniyang ama at kapatid, dahil dito, agad namang dinala sa hospital ang biktima para gamutin.

Sa ngayon, patuloy pa ring pinaghahanap ng mga otoridad ang suspek na agad tumakas matapos ang naturang insidente.