NAGA CITY- Sugatan ang isang lalaki matapos na pagtatagain sa Alabat, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Felix Organo, 50-anyos, residente ng Barangay Balungay sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na habang nagpapahinga sa kanilang bahay ang biktima nang bigla na lamang dumating an nakainom na suspek na si Jesus Amaro, 53-anyos, at kinompronta si Organo hinggil sa isyu sa lupa.

Dahil dito, agad na kinuha ng suspek ang kanyang bolo kung saan pinagtataga ang biktima ngunit nagawa pamg makaganti ni Organo kay Amaro.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na kapwa nagtamo ng mga sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan ang biktima at ang suspek na agad naman na dinala sa ospital para sa atensiyong medikal.

Sa ngayon, inihahanda na ang kasong isasampa kay Amaro hinggil sa nasabing insidente.