NAGA CITY- Para malusutan ang mga otoridad, nilunok na lamang ng isang drug personality ang mga ebidensya na magagamit laban sa kanya sa isinagawang anti-illegal drug operation sa RJ Village, Canaman, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Neil Brijuega, Officer-in-charge ng Canaman-PNP, sinabi nitong ipinasailalim nila sa buy bust operation ang mga suspek na sina Aldin Pentecosted, 32-anyos at Jonie Oriana, 40-anyos.
Ngunit sa gitna ng operasyon napansin aniya ng mga ito na pulis ang kanilang katransaksyon kung kaya agad na isinubo ni Pentecosted ang isang sachet ng pinaniniwalaang shabu at ang P500 na ginamit bilang buy bust money.
Ayon kay Brijuega, nailuwa pa ni Pentecosted ang P500 bill ngunit sira-sira na habang tunuyan nitong nalunok ang isang sachet ng shabu.
Maliban sa nilunok ng suspek, nakumpiska pa rito ang dalawang sachet ng pinaniniwalaang shabu.
Sa ngayon, nananatili na sa kustodiya ng mga otoridad ang dalawang suspek habang hinahanda na ang kasong isasampa laban sa mga ito.