NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang katawan ng isang lalaki na una nang nabalitang nawawala sa bayan ng Bombon, Camarines Sur.
Una nang kinilala ang biktima na si Gerwin Alcayaga, 38-anyos residente ng nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCapt. Rechilda Matias, Officer in Charge sa Bombon Municipal Police Station, sinabi nito na halos isang linggo nang pinaghahanap ng kaniyang mga kamag-anak ang biktima simula noong nagpaalam itong pupunta lamang sa Brgy. San Antonio sa nasabing lugar ngunit hindi na ito nakabalik.
Kaugnay nito, mismong ang mga kamag-anak lang naman ni Alcayaga ang nag-inform sa himpilan ng Bombon Municipal Police Station na nakita na nila ang katawan ng biktima kung saan ito ay nasa state of decomposition na.
Sa kasalukuyan, wala naman umanong nakitang foul play ang mga awtoridad ngunit isasailalim umano sa autopsy ang katawan nito bilang bahagi ng imbestigasyon.
Samantala, ayon naman sa pahayag ng ina ng biktima mayroon umano itong history ng pagkakaroon ng problema sa pag-iisip ngunit maayos naman ang estado nito at umiinom na lamang ng maintaenance na gamot.
Sa ngayon, paalala na lamang ni Matias sa lahat na laging imonitor ang kanilang mga kamag-anak para maiwasan ang kaparehong insidente.