NAGA CITY- Patay ang isang suspek na nanghalay sa 9-taong gulang nitong anak matapos agawan ng baril ang isang pulis sa Brgy. San Roque, Mercedes, Camarines Norte.

Kinilala ang suspek sa tawag na “Tanting”, 45-anyos, residente ng Purok 3, Brgy. Quinapagian sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office, nabatid na agad nagsagawa ng operasyon ang mga otoridad para maaresto ang suspek matapos maiulat ang panghahalay nito sa nasabing bata.

Agad namang naaresto si Tanting ngunit nang dadalhin na ito sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) para sa isang medical examination, ang nasabing suspek ay pwersahang nang-agaw at kinuha ang baril ng isang pulis na nagresulta sa pagbubuno ng dalawa.

Agad naman itong sinaklolohan ng isa pang pulis ngunit aksidente itong naiputok ng dalawang beses sa dibdib ng suspek na naging dahilan ng kaniyang kamatayan.

Una dito, ilang beses na umano nitong pinagsasamantalahan ang sariling anak sa loob mismo ng kanilang bahay sa naturang lugar sa kabila ng pagmamakaawa nito sa ama.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.