NAGA CITY – Matapos ang ilang taong pagtatago sa batas, napasakamay na ng mga otoridad ang lalaking tumangay sa P3.4M na sweldo at bonus ng mga empleyado ng local government unit (LGU) ng Tinambac sa lalawigan ng Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSenior Master Sgt. Tobby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office (NCPO), sinabi nitong nakatanggap sila ng impormasyon mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-CamSur na kinuha mismo nila ang suspek na si Melchor Abrazado sa Brgy Victory, Bolinao, Pangasinan kung saan ito nahuli.
Ayon kay Bongon, masaya sila na nahuli na ang suspek para harapin ang kaukulang kaso na isinampa laban dito.
Kung maaalala, buwan ng Nobyembre, 2017 nang magtungo sa Landbank-Naga ang apat na empleyado ng LGU-Tinambac na kinabibilangan nina Ma. Teresa Hermogeno-Betito, 55, ang officer-in-charge ng Office of Treasurer ng bayan kasama ang tatlong empleyado at si Melchor Abrazado na nagsisilbing security aide.
Inilagay umano ang P3.4 milyon sa isang bag na pansamantalang ipinahawak kay Abrazado ngunit bigla na lamang itong nawala.
Ang naturang pera ang nakalaan sana para sa sahod at Christmas bonus ng mga empleyado sa naturang LGU.