NAGA CITY – Arestado ang isang lalaki dahil sa pang-iiscam matapos na magsagawa ng entrapment operation ang mga otoridad sa Naga City.
Kinilala ang suspek na si July Coz Colis residente ng Brgy. Lerma sa nasabing lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Angelo Babagay ng Cybercrime Group ng Police Regional Office (PRO-5), napag-alaman na nakatanggap sila ng reklamo galing sa mga nabiktima ng nasabing suspek kung saan nagpakilala umano ito na may koneksyon sa City Hall.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman rin na nagpakilala ang suspek bilang isang manpower service kung saan nag-rerecruit ito ng mga taong gustong magkaroon ng trabaho.
Maliban umano sa mga dokumento na hinihingi nito sa mga aplikante, humihingi rin ito ng P650 para sa rapid testing, ngunit sa oras na makapagbayad na ang mga biktima hindi na nila ito makontak at makita sa facebook.
Samantala, nakilala umano ng mga biktima ang suspek sa isang grupo sa facebook kung saan nagrerecruit ito ng mga aplikante para sa iba’t-ibang job opportunities katulad ng encoding.
Dagdag pa ni Babagay, nakita rin nila sa cellphone ng suspek na bukod sa mga nagreklamo marami pang iba itong katransaksyon at patuloy itong nananamantala ng mga tao kung saan willing ang mga ito na magbayad ng P650 para lamang makakuha ng trabaho.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek habang nakatakda naman itong sampahan ng kasong estafa.