NAGA CITY – Muling nagpababa ng panibagong kautusan ang pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte, kaugnay ng ipinapatupad na Community Quarantine sa lugar.
Ito’y kaugnay pa rin ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa nasabing lalawigan.
Mababatid na Hunyo 7, ng magsimulang ipatupad ang nasabing mga direktiba.
Sa ibinabang memorandum ni Camarines Norte Governor Edgardo Tallado, nakasaad dito na tanging ang mga nasa edad 10-anyos hanggang 66-anyos lamang ang pinapayagan na lumabas sa kanilang mga bahay upang bumili ng mga essential goods o para sa leisure purposes.
Kaugnay nito, ang mga menor de edad naman ay papayagan lamang na makalabas kung kasama ang kanilang mga magulang o guardian.
Maliban dito, muli ring ipinatupad ang curfew hours sa lalawigan na magsisimula dakong alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.
Samantala, ang mga nagbabalak naman na bumisita sa lalawigan mula sa ibang lugar, kinakailangang makapagpresenta ng approved travel pass, valid I.D, negative result ng RT-PCR o swab test na isinagawa isang araw bago dumating sa lugar, proof ng pag-book sa mga DOT-accredited na mga hotel, resort at iba pang establishemento sa nasabing lalawigan.