NAGA CITY-Ninakaw ang lampas isang milyong halaga ng pera sa isang cockpit arena sa Lucena City, Quezon.
Kinilala ang biktima na an negosyong Quezon Cockpit Arena ni alyas Romulo, na nasa Brgy. Silangang Mayao ng nabanggit na siyudad, at nirerepresenta ni alyas John, 34 anyos, residente ng Brgy 5, ng kaparehong siyudad.
Kinilala naman ang suspek na si alyas Arman, 38 anyos, residente ng Brgy. Rosario, Gumaca ng nabanggit na probinsya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na alas 8:30 ng gabi noong Mayo 21, personal na pumunta sa Lucena Component City Police Station ang representante ng Quezon Cockpit Arena, kung saan ninakawan aniya ang kanilang negosyo ng suspek alas 5:30 ng hapon nang kaparehong araw.
Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, isa aniyang empleyado ng Quezon Cockpit Arena ang suspek bilang runner at collector, at ang trabaho nito ay kolektahin lahat ng bet money galing sa mga teller sa loob ng cockpit arena.
Sa nabanggit na araw, oras, at lugar, kinuha aniya ni alyas Arman ang bet cash money galing sa mga teller na nagkakahalaga ng ₱1,200,000.
Pagkatapos nito, imbes na i-remit ang pera, tumakas aniya ang suspek sa hindi pa nalalamang direksyon.
Sa ngayon, nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang mga awtoridad upang mahuli ang suspek.