NAGA CITY-Kumpiskado ang nasa mahigit P1-M na halaga ng iligal na droga sa isinagawang buy bust operation ng mga otoridad sa Almeda Highway Brgy. Concepcion Pequena, Naga City kahapon, araw ng Martes, Enero 16, 2024.
Kinilala ang suspek na isang dalawampu’t-apat na taong gulang na babae, residente ng Brgy. San Fernando Cam. Sur at isang dalawampu’t-walong taong gulang na residente ng Barangay San Felipe, Naga City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Juvy Llunar, Station 2 Commander ng Naga City Police Office, Station 2 Commander, sinabi nito na nakabili ang poseur buyer ng isang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu, na mayroong bigat na umaabot sa mahigit-kumulang 25 grams na nagkakahalaga ng P55,000 gamit ang P500 bilang buy bust money.
Maliban dito, nakumpiska pa sa mga suspek ang 20 piraso ng iligal na droga.
Sa pangkabuuan, mayroong bigat na aabot sa 150 grams ang nasamsam na iligal na droga at nagkakahalaga ng P1,020,000.
Samantala, ang nasabing mga suspek ang matagal ng binabantayan ng mga otoridad pero dahil nga lulubog at liliwat ang mga ito, kinailangan ng mas mahigpit at matiyagang pagmomonitor. Sa ngayon, nagpaabot naman ng pasasalamat ang opisyal sa mga naging katuwang na mga law enforcement units gaya na lamang ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office V at Naga City Police Office Station 2 upang maging matagumpay ang nasabing operasyon.