NAGA CITY – Tinatayang aabot sa P200,000.00 ang halaga ng shabu na nakumpiska ng mga awtoridad sa tatlong drug personalities sa Lucena City.
Kinilala ang mga suspek na sina Marklim Boticario, 31-anyos; Harold Lat, 33-anyos; at Arnold Paunil, 23-anyos lahat residente ng nasabing lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provicial Office, napag-alaman na nakabili ang nagpanggap na poseur buyer sa mga suspek ng isang pirasong heat sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu kapalit ng P11,000.00.
Samantala, nakumpiska pa kay Boticario at Paunil ang tatlong pakete ng ipinagbabawal ng gamot habang narekober rin ang siyam na pakete pa ng pinaniniwalaang shabu na may bigat na 10 gramo at nagkakahalaga ng nasa P204,000.00.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.