NAGA CITY- Nanatiling mataas ang lebel ng tubig sa Lake Buhi sa lalawigan ng Camarines Sur dahil sa patuloy na pag-uulan dulot ng shear line at Amihan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mark Nazarrea, Public Information Officer ng LGU-Buhi, sinabi nito na umabot na sa nasa 84.05 meters ang water level ng nasabing lawa na nasa kategorya na overflowing.

Kaugnay nito, patuloy ang isinasagawang monitoring sa lawa lalo na at mayroong mga naitatalang mga areas na mataas na ang lebel ng tubig lalo na ang mga malalapit sa river system gaya na lamang ng Barangay Ibayugan.

Ayon sa opisyal, enkaso tumaas ang lebel ng tubig sa Lake Buhi, tataas rin ang lebel ng tubig sa mga ilog na magdudulot ng pagbaha sa mga malalapit na lugar.

Sa kabila nito, tiniyak ni Nazarrea na wala namang namomonitor ang Lake Development Office ng anuman na senyales nang fish kill ngunit nananatiling alerto ang opisina sa kondisyon ng tubig.

Aniya, kabisado na rin ng mga fish cage operators ang kondisyon ng lawa kung kaya enkaso delikado ang sitwasyon nag e-emergency harvest ng mga market size na isda ang mga ito.

Maalala, ang Buhi ang isa sa mga pinagkukuhanan ng supply nang tilapia sa buong lalawigan ng Camarines Sur.

Samantala, dahil sa patuloy na pag-uulan, nagsilikas rin ang nasa 60 pamilya sa Barangay Ibayugan habang umabot naman sa 193 na pamilya ang apektado sa barangay San Buenaventura.

Sa ngayon, patuloy ang pagbabantay ng LGU-Buhi at iba pang mga lokal na opisina sa lagay ng panahon upang kaagad na makapagresponde kung kinakailangan.