NAGA CITY- Nanindigan ang lokal na pamahalaan ng Canaman na magsampa ng kaso laban sa isang respondent na nagmatigas sa pagsunod sa itinalagang quarantine.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mayor Nelson Legaspi, sinabi nito na sapilitang umuwi sa kanilang bahay ang nasabing respondent kahit hindi pinayagan ng Local Inter Agency Task Force sa nasabing lugar.
Ayon kay Legaspi, isang pasyente ng isang pribadong ospital sa lungsod ng Naga ang nasabing respondent.
Nabatid na sinabi umano ng ama ng respondent na tapos na ang quarantine period nito ngunit ayon sa certification ng ospital, nagpapakita na hindi ito sumunod sa 14-days quarantine at basta na lamang umanong umuwi sa kanilang bahay.
Aniya, ayaw na rin umano nitong humarap at makipag-usap sa mga health authorities at naghamon pa na maghanap ang mga ito ng abogado.
Kaugnay nito, pingangambahan rin na makahawa ito kung may dala itong virus lalo na at may mga comorbidities ang kasama nito sa bahay.
Sa ngayon, binigyang diin ng alkalde na hindi ito magdadalawang isip na magsampa ng kaso sa nasabing respondent dahil seryoso ang LGU sa pagpapatupad ng health protocols laban sa COVID-19 sa nasabing bayan.