NAGA CITY – Pinabulaanan ng City Administrator ng lokal na pamahalaan ng Iriga City sa Camarines Sur ang kumalat na balita na mayroon umanong dalawampu’t pito na mga kawani ng LGU ang nagpositibo sa drug test na isinagawa sa mga empleyado nito.
Maaalala, nagpalabas ng memorandum circular no.13 series. 2017 ang civil service commission hinggil sa mandatory drug testing para sa mga empleyado ng pamahalaan upang matiyak na malinis ang mga ito mula sa ipinagbabawal na gamot.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Maharlika Ramon Oaferina II, Iriga City Administrator, sinabi nito na isinagawa noong nakaraang Lunes ang drug testing ng Philippine Drug Enforcement Agency-Camarines Sur Provincial Office sa lahat ng kanilang mga empleyado.
Ngunit ang nasabing testing ay screening test pa lamang na subject for confirmatory testing. Aniya, may mga insidente kasi na talagang nag popositibo sa screening test ngunit pagdating sa confirmation testing ay negatibo naman.
Kung kaya, sa consent na pinirmahan nila nakalagay kung mayroon bang iniinom na gamot ang empleyado sa nakalipas na 30 araw.
Sa kabilang banda, nilinaw naman ni Oaferina na ang sino man na magpopositibo sa confirmatory testing ay hindi naman tatanggalin sa trabaho bagkus, ay bibigyan nila ito ng intervention dahil ang tanging layunin ng nasabing testing ay gawing drug free workplace ang city hall bilang mahigpit na kampanya nito laban sa pagkalat ng iligal na droga sa buong lunsod.
Samantala, ayon naman umano sa PDEA, ito ang unang pagkakataon na naisagawa ang mandatory drug testing para sa mga empleyado ng pamahalaan sa nasabing probinsya.