NAGA CITY – Nagtatag ang lokal na pamahalaan ng Naga ng mga bagong regulasyon para sa Military Parade na isasagawa ngayong taon.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni City Councilor Omar Buenafe sinabi nito na may mga requirements na dapat isumite ang mga school head bago maging kwalipikado sa kompetisyon.
Kabilang dito ang sertipikasyon na magpapatunay na ang mga “parading unit” ay mga lehitimong estudyanteng naka-enroll sa kanilang paaralan at karapat-dapat sa nasabing kategorya.
Para naman sa band and majorettes, bukod sa certification, kailangan nilang magdala ng listahan ng mga pangalan ng mga kalahok, kasama ang kanilang mga larawan upang masiguro na talagang sila ang present sa oras ng kompetisyon.
Ang nasabing hakbang ay kasunod ng mga insidenteng naiulat noon, kung saan mayroon umanong mga isinasali sa kompetisyon na mga propesyonal ma o hindi na mga estudyante.
Kung sakali naman na mapatunayang nagpapasali ang isang paaralan ng mga hindi lehitimong estudyante, sila ay mai-blacklist at hindi papayagang lumahok sa event sa hinaharap.
Inaasahan din ni Buenafe na marami ang lalahok sa mga aktibidad na ito dahil ito ang Centennial Celebration of the Canonization ni Inang Penafrancia, ito rin ang dahilan kung bakit nagtakda sila ng deadline hanggang August 26 para maiwasan ang labis na entries para dito.
Dagdag pa ng opisyal, kung sino ang unang magsumite ng kanilang entry ay sila rin ang mauuna sa order of parade.
Target din nilang matapos ang aktibidad pagsapit ng alas-4 ng hapon upang mabigyan ng oras ang mga tao na maghanda sa pagdalo sa mga kaganapan sa simbahan.