NAGA CITY- Nagbabala ang lokal na pamahalaan ng Naga patungkol sa mga scam na naglilipana ngayon sa lungsod.
Ayon kay Naga City Administrator Elmer Baldemoro, sinabi nito na mayroon report patungkol sa umano’y sulat sa mga establishemento na kung saan ginagamit ang pangalan ni Naga City Mayor Nelson Legacion sa paghingi ng solicitation.
Dagdag pa ng opisyal, nang tingnan umano nila ang naturang sulat kanilang nabatid na hindi ito mula Mayors Office pero ang pirma na ginamit dito ang e-signature ng alkalde.
Nilinaw naman ng opisyal para sa kaalaman ng lahat na walang ipinalalabas na ganitong sulat si Mayor Legacion o ang opisina nito.
Kung mayroon naman umano na mga sponsorship dinadaan nila ito sa mga aktibidad gaya ng Penafrancia Fiesta at iba pang mga kaganapan na isinasagawa sa lungsod.
Kaugnay nito, paalala na lamang ni Baldemoro sa lahat na mga may-ari ng mga establishemento na iverify muna sa kanila kung mayroong ganitong aktibidad ang LGU upang maiwasan na mabiktima ng panloloko o scam.