NAGA CITY- Nagpadala nang team ang lokal na pamahalaan ng Naga na tutulong sa probinsiya ng Masbate na lubhang tinamaan ng pananalasa ni Bagyong Opong.
Sa nagin pagharap sa mga kagawad ng media ni Naga City Mayor Leni Robredo, sinabi nito na ang City Disaster Risk Reduction and Management Office ang nanguna sa nasabing team.
Ayon pa kay Robredo, nang tawagan umano nito ang Masbate, nire-request ng Provincial Government ang dagdag na mga tauhan para sa isinasagawang clearing operations.
Kaugnay nito, nagkaroon ng briefing sa mga ipinadalang team kasabay na rin sa isinagawang pag-assess sa mga dadalhing gamit ng mga ito bago pa ang deployment kaninang pasado alas onse ng umaga.
Dagdag pa ni Robredo, nakipag-coordinate na sila sa Office of Civil Defense para sa mas smooth na biyahe papuntang Masbate.
Samantala, nauna na ring nagpadala ng tulong ang Provincial Government ng Camarines Sur sa pamamagitan ng isang team patungong Masbate.
Binubuo ang composite team ng mga tauhan mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Camarines Sur, Philippine Army, PNP, BFP at Philippine Coast Guard.
Sila ay kasalukuyang tumutulong sa isinasagawang clearing operations sa mga lugar na hard-hit ng nagdaang bagyo, maging medical mission kasama ang healthcare on the go assets ng probinsya.
Maliban sa medical at dental assets ay dala rin ng composite team ang air-to-water technology para sa malinis na inuming tubig, lorry trucks, generator set, starlink internet connection, mobile command na sasakyan at marami pang iba.
Inaasahan naman na tatagal nang isang linggo ang naturang team sa lalawigan ng Masbate.
Sa ngayon, binigyang diin ni Robredo na ang pagtutulungan sa panahong ito ay pagpapakita ng solidarity at pakikiisa sa muling pagbangon ng Masbate sa epekto ng bagyo.