NAGA CITY – Nakatutok ngayon ang Lokal na Pamahalaan ng Naga sa pagresolba ng kaso ng pagpatay kay Roselle Bandojo, ang 17-anyos na dalagitang una nang naiulat na nawala at natagpuang patay sa isang bakanteng lote.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Naga City Mayor Nelson Legacion, sinabi nito na kasama sa iminungkahi ang pagbuo ng Roselle Bandojo Task Group para magkaroon ng koordinasyon sa lahat ng hakbang sa pagresolba ng naturang krimen.
Ang nasabing Task Group ay papangunahan ng Retired Police General and Former Regional Director ng Philippine National Police (PNP)-Bicol na si Naga City Councilor Omar Buenafe.
Mababatid na sa unang mga imbestigasyon ng mga awtoridad, may apat nang itinuturing na Persons of Interest sa pagpaslang sa dalagita.
Kaugnay din nito, umabot na sa P300,000 ang kabuuang pabuya para sa sinumang makakapagturo sa pagkakakilanlan ng mga suspek.
Samantala, muli namang nagpatupad ng curfew ang alkalde ng Naga para sa mga menor de edad na magsisimula ng alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.
Ibig sabihin, hindi nito pinapayagan ang paglabas at pagtambay ng mga kabataan na nag-eedad 17-anyos pababa sa kalsada maging sa mga pampribadong establisyemento.
Naihatid na rin sa huling hantungan ang mga labi ni Bandojo habang nagpapatuloy pa rin ang mahigpit na imbestigasyon sa naturang krimen.