NAGA CITY- Patuloy ang paghahatid ng ayuda ng LGU-Naga sa mga naapektuhan na residentes matapos ang paghagupit ni bagyong Enteng.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Naga City Mayor Nelson Legacion, sinabi nito na nagpadala na ang DSWD ng relief packs para sa mga apektado na sinimulan na nilang ibigay sa mga nagsilikas.
Ayon kay Legacion, nakapagdistribute na sila sa mga pamilya na lumikas sa JMR Coliseum at isusunod naman sa may bahagi ng Triangulo, Mabulo, Sabang, Igualdad at Tabuco.
Kaugnay nito, nilinaw naman ng alkalde na uunahin na bigyan ng nasabing ayuda ang mga pamilya na aktwal na lumikas, ibig sabihin ang mga indibidwal o pamilya na nasa Evacuation center.
Nagpatawag naman ng special session ang alkalde upang pag-usapan ang posibilidad ng pagdeklara nang state of calamity at upang malaman ang pinsala na iniwan ng bagyo.
Paliwanag ni Legacion, sa ilalim ng state of calamity ma-a-access ang quick responce fund upang magamit sa pagbibigay ng tulong alinsunod sa nakasaad sa batas.
Maliban dito, nakipag-usap naman ang opisyal sa Deped, mga barangay Kapitan upang malaman ang sitwasyon ng mga paaralan at sitwasyon sa bawat barangay, zona at komunidad upang malaman ang pinal na listahan ng nagsilikas.
Samantala, inihayag naman ni Legacion na balik na ang trabaho bukas, Setyembre 3, 2024 habang pag-uusapan pa kung papalawigin ang suspension ng klase.
Sa ngayon, patuloy ang pag-iikot nito sa buong Naga City upang matulungan ang lubhang naapektuhan ng nasabing bagyo.