NAGA CITY- Patuloy na naka-alerto ang City Disaster Risk Reduction Management Office Naga sa binabantayang sama ng panahon lalo pa’t patuloy din ang nararanasang pagbuhos ng ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Naga City Mayor Leni Robredo, sinabi nito na nakahanda ang buong lungsod sa epekto ng nasabing bagyo lalo ang inaasahang pagtaas nang lebel ng tubig.
Ayon pa kay Robredo, bago pa man ang Bagyong Crising, nakapaglinis na halos lahat ng barangay sa Naga City nang kanilang kanya-kanyang drainages upang maiwasan ang pagbaha dulot ng bagyo.
Kamakailan lamang, personal na bumisita sa kanyang tanggapan ang Regional Director ng DPWH upang personal na maisubmit ang maraming proposal sa flood control project.
Maliban dito, suspendido pa rin ang klase sa buong antas kung saan mayroong shuttle service na inilaan para sa mga mangangailangan nito.
Kaugnay nito, mayroon na ring nagpaabot na tumaas ang lebel ng tubig sa kanilang area ngunit hindi naman peligroso at nakitaan na rin aniya nang improvement dahil sa pagsasaayos ng mga kanal.
Dagdag pa ni Robredo, importante ang kahandaan sa panahon ng kalamidad upang hindi na maranasan nang lungsod ang bangungot na dala ng naturang sama ng panahon.
Samantala, patuloy naman na nakakaranas ng malakas na pag-ulan ang ilang bayan sa lalawigan ng Camarines dulot pa rin ng Bagyong Crising lalo na ang nasa coastal areas.
Sa ngayon, patuloy na hinihikayat ang lahat na mag-ingat upang maging ligtas sa banta ng bagyo.